Module 1: Pangangalaga sa Sariling Kasuotan

Basahin ang isang maikling kuwento tungkol sa batang si Angela.Tingnan natin kung paano niya pinangangalagaan ang kanyang kasuotan.

   

 Sabado ng hapon sa labas ng kanilang bahay ay masayang naglalaro ng tumbang preso si Angela kasama ang kaniyang mga kapatid. Habang sila ay nagtatakbuhan, aksidenteng naapakan ang puting palda ni Angela kaya siya ay natumba at naputikan. Agad-agad siyang umuwi, tinanggal niya ang mantsa ng kaniyang damit habang ito ay sariwa pa gamit ang brush, sabon at tubig. Nilabhan niya ito ng maayos, ay isinampay. Nang malaman ito ng kaniyang nanay, hindi ito nagalit bagkus ay natuwa pa nga ito dahil naging responsable si Angela sa pangangalaga ng kaniyang kasuotan.   


May nakukuha ka bang aral sa kuwento? Basahin at unawain ang mga katanungan sa ibaba.

a.    Ano ang nilalaro ni Angela?

b.    Ano ang nangyari sa kanyang puting palda?

c.    Paano niya pinangalagaan ang kanyang kasuotan?

d.    Nagalit ba ang nanay sa ginawang pangangalaga ng kasuotan     ni Angela?

e.    Mabuti ba ang ginawa ni Angela sa kanyang kasuotan? 


Suriin

Anong mga pamamaraan sa pangangalaga ng kasuotan ang alam mo?

 Sa anumang uri ng damit na isinusuot ng ating katawan, mamahalin man o magagara ay mawawalan rin ng halaga kapag hindi naman ito inaalagaan nang wasto. Makatitipid ka ng oras, salapi at lakas kung uugaliin ang tamang pangangalaga ng mga kasuotan sa lahat ng panahon.

Mga paraan upang mapanatiling malinis ang mga kasuotan:

1.    Pag-aalis ng mantsa - mainam na tanggalin kaagad ang mga mantsa sa damit habang ito ay sariwa pa at upang hindi mahirapan sa pagtanggal. Mas malinis ang damit na walang mantsa at kaaya-ayang tingnan.

2.    Paglalaba - ginagawa ito sa mga kasuotan upang maiwasan ang di kanaisnais na amoy, mawala ang dumi, pawis at alikabok na kumakapit dito gamit ang sabon at tubig. Hindi madaling masira ang mga damit kapag nilalabhan nang maayos. 

3.    Pamamalantsa - hindi kaaya-ayang tingnan ang damit na gusot-gusot kaya   nararapat itong plantsahin upang maibalik sa dating hugis at ayos ang mga ito. 

4.    Pagsusulsi – ang may punit na damit ay dapat sulsihan kaagad upang hindi lumaki ang sira at magamit pa ito ng mahabang panahon. Maaaring gawin ito sa pamamagitan ng makina o di kaya’y pagsusulsi gamit ang kamay.

5.    Pagtatagpi - ito ay isinasagawa kapag ang damit ay may butas. Tinatakpan nito ang bahaging may butas sa pamamagitan ng pagtatagpi gamit ang isang kapirasong tela. 

6.    Pagtutupi - higit na mapangangalagaan ang mga damit kung ito ay maayos na    nakatupi ayon sa kulay at gamit nito at may maayos na lalagyan tulad ng cabinet, aparador o malinis na kahon. Kapag organisado ang pagtutupi at paglalagay ng damit sa aparador makatitipid ng oras at lakas sa paghahanap nito araw-araw.   

Mahalagang panatilihing malinis ang mga kasuotan upang maging kaaya-aya sa paningin ng ibang tao. Nagpapakita ito ng pagiging malinis sa katawan at nagpapaunlad ng buong personalidad. Higit sa lahat, ito ay nagiging daan tungo sa maayos at matiwasay na pamumuhay ng isang tao. 


Wastong Pangangalaga at Pag-iingat sa Kasuotan

Sa mura mong gulang, ang pangangalaga ng damit ay madaling matutunan, kailangan lang sanayin ang sarili sa ganitong uri ng gawain. Maglaan ng kaunting oras o panahon para sa pangangalaga ng inyong mga kasuotan.

Narito ang ilan pang mga paraan upang mapangalagaan ang mga kasuotan at magamit pa ito ng matagal:

1.    Kailangang pahanginan ang mga damit na basa ng pawis.

2.    Ang mga damit panlakad ay dapat i-hanger at huwag ihalo sa mga damit pambahay. Gamitin ang mga ito na angkop sa panahon at okasyon.

3.    Kung may mga damit na hindi masyadong ginagamit, tiklupin ito ng pabaliktad at ilagay sa plastic bag.

4.    Bago labhan ang mga damit, kumpunihin muna ang mga sira nito tulad ng mga may tanggal na butones at tastas.

5.    Huwag umupo kaagad sa mga upuan. Punasan muna ang uupuang lugar bago umupo o maaari ding lagyan muna ng sapin.

6.    Huwag hayaang nakakalat lang nang kung saan-saan ang mga hinuhubad na damit. Ilagay ito sa tamang lalagyan o basket. 


Comments

Popular posts from this blog

Performance Task in EPP MOdule 1